19 Pebrero 2008 (Galing sa isa ko pong proyekto.)
Sinumang Persiyanong Sinauna na nais gumawa ng bubog o salamin, inaasahan siyang magbibigay muna sa mga kinauukulang mga diyos o diwata ng alay sa loob at paligid ng kaniyang hornohan. Sakaling tanggapin ng mga diyos o diwata ang kaniyang alay, saka lamang maasahan na ang kaniyang pagluluto ng buhangin at kung anu-ano pang mga sanggkap ay magiging matagumpay at magbibigay ng mga inaasang produkto. Ganito ring pagbibigay alay sa mga kinauukulang mga diyos o diwata ang inaasahan sa mga gawaing agrikultura gaya ng pagtatanim o pag-aani, sa mga pagbibigay ng mga pangalan sa mga bagong silang, sa pagsasaisang puso ng mga nagmamahalan, sa paglilibing ng mga pumapanaw, samakatuwid, sa ano pa mang mga mahahalagang pangyayari sa buhay ng sinuman. Patunay ang ganitong kaugalian saan mang sulok ng mundo na ang paniwala, noon pa man, ay wala sa mga kamay ninuman ang kakayanang magtakda ng mga pangyayari sa kaniyang buhay.
Dahil nandito ang diin ng lahat nang panahong sinauna, nandito rin noon ang pagnanasa ng marami na mapatunayan na sila nga ang sugo ng mga diyos. Mayroong naghahanap ng kung anu-ano mga magagamit mula sa mga gubat o sa mga desyerto nang mga maaaring makapagbigay daan para makausap ang mga diyos – magic mushrooms, coca leaves, cannabis, peyote. Mayroong namang nag-iimbento ng kung anu- anong inuming magagamit rin para makapagbigay ng ganito ngang pamaraan – wine, beer, liquor.
Mayroon din naman noon na bukod tanging ang gamit ay ang matematika. Sa pamamagitan ng matematika, halimbawa, isang kalendaryo ang nagagawa na siya namang nagagamit sa pangtatakda kung kailan darating ang mga mahahalagang mga araw – mga araw ng pagtatanim, mga araw ng pag-aani, mga araw ng tag-init o mga araw ng tag-ulan; sa ganito, naipapakitang kakaiba nga ang may hawak ng ganitong mga tao na malimit pinagkakamaliang kausap ng mga diyos. Sa tamang paggamit ng matematika at kalendariyo, naitatakda ng maayos ang mga pagtatanim at pag-aani. Sa ganoon ay may sobra-sobrang naaani; ang mga sobra-sobrang ganito ang batayan ng mga kinalaunan ay mga buwis na siya namang nagiging haligi ng pagtatatag ng malalawak na mga pamayanan. Ang ilan sa mga pamayanang ganito ang siyang nagiging mga lungsod na nga, mga sentro ng mga imperiyo, sa Persiya at Ehipto, halimbawa.
Maaala-ala na ang isang ginawa Gen. Emilio Aguinaldo sa kaniyang bahay ay ang paglalagay ng isang mala-tronong upuan na ang nasa likod ay isang malapad na mapa ng Pilipinas. Tanda ito, marahil, ng isang paniniwala na ang isang presidenteng gaya niya ay hindi malayo sa isang hari. Kung ganitong mag-isip ang mga kasamahan niya sa Katipunan, malabo talagang mahalal ang gaya ni Andres Bonifacio na walang masiyadong maipagmamalaking mga palatandaan na siya ay sugo ng Diyos na maaaring maging presidente (Basahin ang naunang blog kung kailangan; https://www.pinoytoolbox.org/post/pangangatuwiran).
Para isang may alam at nagkapag-aral ng kasaysayan ng Sibilisasiyong Kanluranin, hindi mahirap na isiping sa isang panig ay malayong-malayo ang isang presidente sa isang hari. Matatandaang maraming pagkakataon nga sa kasaysayan ng Europa na ang mga hari at iba pang miyemboro ng monarkiya ay napugutan ng ulo dahil hindi nila kayang kilalanin ang pagkakaiba ng isang presidente, o prime minister kaya, sa isang hari.
Ang isang presidente, o isang prime minister, ay siyang pinipili ng sambayanan sa pamamagitan ng isang malayang botohan. Malayo ito sa isang hari na kinikilalang iniluluklok ng Diyos mismo; may mga pagkakataon pa ngang ang paniwala ay ang sinasabing mga hari ay mga diyos din mismo.
Ang isa sa mga batayan ng pagpapalaganap ng malayang botohan ay ang paniwalang kung papayagan na ang pamantayan ng kalikasan na lamang ang hahayaang lumaganap, labanang patay kung patay, matira ang matibay, iiksi at magiging malungkot at di kaaya-aya ang buhay ng sinuman.
Sa isang nilalalang na marunong ng pangangatuwiran, matatantya niya na ang ganitong hinaharap ay kayang maiwasan. Ang kailangan lamang gawain ay magkasundo ang lahat na huwag pabayaan mangibabaw ang labanang patay kung patay, matira ang matibay; dapat magkasundo na ang pangangatuwiran ang pangunahing paiiralin— hindi pawang lakas ng braso at kamao lamang. Samakatuwid, kailangang magkasundo na may ilang mga kaugalian ang hindi na dapat walang habas na kinukunsinti. Sa halip ay dapat pa ngang maipalilalim sa mga alituntuning bayan, gaya ng mga nasa Kartilya ni Emilio Jacinto o ng mga nasa Dekalogo ni Apolinario Mabini. Sa ganitong kaayusan ng bayan, hindi na kikilalanin na pangunahing sukatan nga ng galing at lakas ng braso at kamao kundi kakayanan sa maayos pangangatuwiran na lamang; kung sino ang mahusay sa maayos na pangangatuwiran, siya ang dapat kilalanin.
Ang kakayanan naman nga ng pangangatuwiran ay siya namang nasusukat sa pamamagitan pagtatakda ng hinaharap, pagtatadhana ng buhay. Kung mayroong magsasabing ang hinaharap ay ganito o ganiyan, at sa pagdating ng pahanong itinatakda ay ang sinasabi ay hindi nangyayari, katunayan lamang ito na sala ang pangangatuwirang ginagamit. Kung mayroon namang magsasabing ang hinaharap ng bayan ay ganito o ganiyan, at sa pagdating ng panahon ay tutoong nangyayari ang sinasabi na nga, may batayan na na mapagkakatiwalaan ang pangangatuwirang ginagamit bagaman at hindi pa rin makasisiguro. Sinumang mas maayos ang pangangatuwiran, mas mapagkakatiwalaan ang kaniyang pagtaya sa hinaharap at dapat lamang na siya ang iboto.
Ang isang magsasakang hindi alam kung ano ang hinaharap, aasa na lamang sa kung ano sa pagtatanim. Malamang sa ganito, ang kaniyang itinatanim, lalo na nang mga
panahong Sinauna na walang kaalaman pa sa mga kalendaryo, ay hindi makapagbibigay ng tama o inaasahang ani, kung may maaani pa nga.
Ang isang magsasakang marunong gumamit, halimbawa, ng kalendariyo at alam ang kaayusan ng panahon taon-taon, ay magtatanim doon lamang sa mga panahong may sapat at hindi sobra ang ulan, batay sa kalendariyo. Sa ganoon, mas malamang na ang kaniyang itinatanim, at ginugugol na pagod at panahon, ay hindi maaaksaya at, mas mahalaga, makapagbibigay ng inaasahang ani, maaari pa ngang may sobra sa inaasahan.
Ang isang mahusay sa maayos na pangangatuwiran, gaya ng pangangatuwirang matematikal o lohikal, ay mas tamang nakapagtatakda ng hinaharap. Siya ang mas may hawak ng kaniyang kapalaran. Siya ang mas may katiyakang masaya at hahaba ang buhay ng lipunan.
Photograph is by Joe Galvez, colorization by Prince Javier using his own AI system.
Commentaires