top of page
Search
  • agericodevilla

Kartilya at Dekalogo

Updated: Nov 23, 2023

May pumunta sa sabungan. Ang dala itik. HIndi iyan ang kuwento. Nang magsasabung na, ang karamihan ng tumaya, sa itik. (Kuwento sa Katagalugan)


Takang-taka ako noon nang nabasa ko ang Kartilya ni Emilio Jacinto, “Mga Aral ng Anak ng Bayan.” (https://www.philippinemasonry.org/kartilya-ng-katipunan.html)

  1. Ang kabuhayang hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi damong makamandag

  2. Ang gawang magaling na nagbubuhat sa pagpipita sa sarili, at hindi sa talagang nasang gumawa ng kagalingan, ay di kabaitan.

  3. Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawang gawa, ang pagibig sa kapua at ang isukat ang bawat kilos, gawa’t pangungusap sa talagang Katuiran.

  4. Maitim man at maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao’y magkakapantay; mangyayaring ang isa’y higtan sa dunong, sa yaman, sa ganda…; ngunit di mahihigtan sa pagkatao.

  5. Ang may mataas na kalooban inuuna ang puri sa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban inuuna ang pagpipita sa sarili sa puri.

  6. Sa taong may hiya, salita’y panunumpa.

  7. Huag mong sasayangin ang panahun; ang yamang nawala’y magyayaring magbalik; nguni’t panahong nagdaan na’y di na muli pang magdadaan.

  8. Ipagtanggol mo ang inaapi, at kabakahin ang umaapi.

  9. Ang taong matalino’y ang may pagiingat sa bawat sasabihin, at matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim.

  10. Sa daang matinik ng kabuhayan, lalaki ay siyang patnugot ng asawa’t mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, ang patutunguhan ng iaakay ay kasamaan din.

  11. Ang babai ay huag mong tignang isang bagay na libangan lamang, kundi isang katuang at karamay sa mga kahirapan nitong kabuhayan; gamitan mo ng buong pagpipitagan ang kaniyang kahinaan, at alalahanin ang inang pinagbuhata’t nagiwi sa iyong kasangulan.

  12. Ang di mo ibig na gawin sa asawa mo, anak at kapatid, ay huag mong gagawin sa asawa, anak, at kapatid ng iba.

  13. Ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangus ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Dios wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa; wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri; yaong di napaaapi’t di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.

  14. Paglaganap ng mga aral na ito at maningning na sumikat ang araw ng mahal na Kalayaan dito sa kaabaabang Sangkalupuan, at sabugan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang magkalahi’t magkakapatid ng ligaya ng walang katapusan, ang mga ginugol na buhay, pagud, at mga tiniis na kahirapa’y labis nang natumbasan. Kung lahat ng ito’y mataruk na ng nagiibig pumasuk at inaakala niyang matutupad ang mga tutungkulin, maitatala ang kaniyang ninanasa sa kasunod nito.


"Ang Pananda ni Emilio Jacinto sa bayan ng Magdalena Laguna" (Wikimedia Commons)


Una. Ibigin mo ang Diyos at ang iyong puri nang lalo sa lahat ng bagay; ang Diyos ay siyang bukal ng buong katotohanan, ng buong lakas; ang paghahangad ng puri ang siya lamang makaakit sa iyo na huwag magbulaan, kungdi laging matuto sa katuwiran at magtaglay ng kasipagan.

Ikalawa. Sambahin mo ang Diyos sa paraang minamatuwid at minamarapat ng iyong bait at sariling kalooban, na kung tawagi'y konsensiya, sapagkat sa iyong konsensiya na sumisisi sa gawa mong masama at pumupuri sa magaling ay doon nangungusap ang iyong Diyos.

Ikatlo. Sanayin mo at dagdagan ang katutubong alam at talas ng isip na ipinagkaloob ng Diyos sa iyo sa pamamagitan ng pag-aaral at pagkasakit mo sa buong makakaya ang gawang kinahihiligan ng iyong loob, na huwag kang sisinsay kailanman sa daan ng magaling at katuwiran, nang mapasaiyo ang lahat ng bagay na dapat mong kailanganin at sa paraang ito'y makatulong ka sa ikasusulong ng kalahatan; kung gayo'y magaganap mo ang ipinatutungkol sa iyo ng Diyos sa buhay na ito, at kung ito'y maganap mo ay magkakapunan ka at kung may puri ka na'y ipatatanghal mo ang kaluwalhatian ng iyong Diyos.

Ikaapat. Ibigin mo ang iyong bayan o Inang Bayan na kaikalawa ng Diyos at ng iyong puri at higit sa iyong sarili, sapagka't siyang makaisa-isang Paraisong pinaglalagyan sa iyo ng Diyos sa buhay na ito, bugtong na pasunod sa iyong lahi, na kaisa-kaisang mamamana mo sa iyong mga pinagnuno at siya lamang pag-asa sa iyong inanak; dahil sa kanya'y humahawak ka ng buhay, pag-ibig at pag-aari, natatamo mo ang kaginhawahan, kapurihan at ang Diyos.

Ikalima. Pagsakitan mo ang kaginhawahan ng iyong bayan nang higit sa iyong sarili at pagpilitan mong siya'y pagharian ng kabaitan, ng katuwiran at ng kasipagan, sapagka't kung maginhawa siya'y pilit ding giginhawa ikaw at ang iyong kasambahay at kamag-anakan.

Ikaanim. Pagpilitan mo ang kasarinlan ng iyong bayan, sapagka't ikaw lamang ang tunay na makapagmamalasakit sa kanyang ika-darakila at ikatatanghal, palibhasa'y ang kanyang kasarinlan ang siya mong sariling kaluwagan at kalayaan, ang kanyang pagkadakila ang magdadala sa iyo ng lahat mong kailangan at ang kanyang pagkatanghal ang siya mong kabantugan at kabuhayang walang hanggan.

Ikapito. Sa iyong baya'y huwag kang kumilala sa kapangyarihan ng ninumang tao na hindi palagay ninyong magkababayan, sapagka't ang buong kapangyariha'y sa Diyos nagmumula at ang Diyos ay ang konsensiya ng bawat tao nangungusap, kaya't ang sinumang ituro at ihalal ng mga konsensiya ng lahat ng mamamayan ang siya lamang makapagtataglay ng wagas na kapangyarihan.

Ikawalo. Ihanap mo ang iyong bayan ng Republika, yaon bagang lahat na nagpupuno ay palagay ng mga mamamayan, at huwag mong payagan kailan mang Monarkiya, ang pagkakaroon ng hari, sapagka't walang binibigyan ang hari ng kamahalan kundi ang isa o ilan lamang sa mag-anak upang maitanghal ang sarili niyang kamag-anakan sa siyang panggagalingan ng lahat ng maghahari, hindi ganito ang Republika na nagbibigay ng kamahalan at karapatan sa lahat ayon sa bait nang bawat isa, ng pagka-dakila, alang-alang sa kaluwagan at kalayaan at ng kasaganaan at kadilagang tinataglay ng kasipagan.

Ikasiyam. Ibigin mo ang iyong kapuwa tao paris ng pag-ibig mo sa iyong sarili, sapagka't binigyan siya ng Diyos gayun din naman ikaw ng katungkulang tulungan ka at huwag gawin sa iyo ang di niya ibig na gawin mo sa kanya. Nguni't kung ang iyong kapuwa ay nagkulang dito sa kamahal-mahalang katungkulan at nagtatangka ng masama sa iyong buhay at kalayaan at pag-aari ay dapat mong ibuwal at lipulin siya sapagkat ang mananaig ngayo'y ang kauna-unahang utos ng Diyos na mag-ingat ka at iingatan kita.

Ikasampu. Laging itatangi mo sa iyong kapwa ang iyong kababayan at lagi namang ariin mo siyang tunay na kaibigan at kapatid, o kundi ma'y kasama, palibhasa'y iisa ang inyong kasayahan at kadalamhatian, at gayon ding magkakaayon ang inyong mga hinahangad at pag-aari.

May ganitong paliwanag si Emilio Jacinto. Aniya, pangangatuwiran ang pinaghuhugutan ng pagtatatag ng isang lipunan, ng isang republika. Hindi relihiyon, na siyang ipinangangalandakan noon ng España, ng mga Español sa Pilipinas.


Lahat ng tao, may kakayanang mangatuwiran.


Kanina, ang araw ay sumikat sa Silangan. Kahapon, ganoon din. Kamakalawa, ganoon din. Napakaraming mga araw na ang araw ay sa Silangan sumikat. Wala ngang araw na hindi sa Silangan sumikat. Kung tutoo lahat ng mga batayan na ito, samakatuwid ang kaayusan ng mga pangyayari, “Kapag ang araw ay sumisikat, ito ay sa Silangan.” Kung tutoo nga itong kaayusang ito, samakatuwid, kung ang araw ay sisikat bukas, ito ay sa Silangan.

Dahil alam nang tao na mangatuwiran, nagagawa niyang makita ang hinaharap nang hindi niya kinakailangang makipag-usap sa Diyos o mga espirito. Nagagawa niya ito sa pamamagitan lamang nang kaniyang kakayanang mangatuwiran mula sa kaniyang karanasan.

Ang karanasan ng tao, kapag walang batas at kaayusan ang kapaligiran, kapag ang nangingibabaw lamang ay “Matira ang matibay, patay kung patay,” siyang kaayusan lamang ng mga kahayupan sa kalikasan, ang buhay ng tao ay hindi kaaya-aya at maiksi. Kitang-kita ito sa mga panahon ng mga gulo at giyera.

Gamit ang pangangatuwiran, kitang-kita na kapag ang ganito ang kaayusan nga sa hinaharap, “Matira ang matibay, patay kung patay,” siyang kaayusan lamang ng mga kahayupan sa kalikasan, maasahang ang buhay ng tao ay hindi kaaya-aya at maiksi nga.

Sa kagustuhan ng tao na huwang maging hindi kaaya-aya at maiksi ang buhay niya, ginugugulan niya ng pagkilos, pag-o-organisa, ang karamihan tungo sa paglalatag ng mga batas, kaayusan at katahimikan. Sa ganito, kahit saan mang may tao na mahusay mangatuwiran, nalalatag ang mga lipunan, mga republika na walang kinalaman sa relihiyon.


Sa ganitong pagpapaliwanag, naparami ngang tunay ni Emilio Jacinto ang mga miyembro ng Katipunan.


Sa kasamaang palad, kita ni Emilio Jacinto at ni Apolinario Mabini, ganoon din ni Andres Bonifacio na siyang may kaniyang dekalogo rin, na ang karamihan ng mga unang mga mamayan ng lipunan ng Pilipinas ay kapos na kapos sa pangangatuwiran.


Kung ikaw ay sugo ng Diyos, ikaw ay pagpapalain. Pinagpapala ka nga; kitang-kita iyan sa iyong terno, iyong ginintuang casco, iyong caruaje, bahay na bato at mga lupain. Samakatuwid, sugo ka nga ng Diyos. (Parang ganito. Kung may malalang AIDS ka, lalagnatin ka. Nilalagnat ka nga. Samakatuwid, may malalang AIDS ka nga.)


Kung presidente ka, maayos ang katipunan. Kung hindi ka na presidente, hindi aayos ang katipunan. (Parang ganito. Kung sasama si Jose Rizal sa Katipunan, marami ang sasapi sa Katipunan. Hindi naman sasama si Jose Rizal sa Katipunan. Samakatuwid, hindi marami ang sasapi rito sa Katipunan.)


HIndi nakakapagtaka na ngayon, may iboboto at iboboto pa rin na mga kilalang mga nagtutulak ng mga masamang droga — iyong mga alam na nga na nakakulong pa sa Bilibid.

HIndi nakakapagtaka na ngayon ay napakarami pa ring mga nabibiktima ng mga budol-budol, pyramiding scam, finance scam at human trafficking.


Tataya at tataya pa rin nga sa itik.



Kasama ang Pilipinas sa mga mababa ang IQ ng mundo — below average. (https://worldpopulationreview.com/country-rankings/average-iq-by-country)


Narito ang labanan. Ayusin ang kakayanang mangatuwiran ng mga mamamayan.


Ang dapat sanang ibinoboto, iyong may matalas na kakayanang mangatuwiran. Siya ang mas maraming masasabi sa kung ano ang mga darating na mga pangyayari sa hinaharap. Siya ang mas malamang mangyayari ang mga itinataya na mangyayari nga.


Ang baluktot mangatuwiran, iyong mga puno ng mga kontradiksiyon ang mga sinasabi at mga nasa sa isipan, kapag nagtaya kung ano ang mga maaaring mangyari sa hinaharap, mas malimit na nagkakamali. "Sa anim na buwan, masusugpo ko ang kriminalidad." "Mapapababa natin ang presiyo ng bigas sa dalwampung piso lamang."


Kung si Kai Sotto ay pandak, ako na ang pinakang-guwapo sa balat ng lupa.


Ang kalaban, hindi ang mga zombie. Ang kalaban, iyong mga virus na siyang sanhi ng pagiging zombie ng mga ito — ang mga baluktot na uri ng pangangatuwiran.



50 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating
Post: Blog2_Post
bottom of page