top of page
Search
agericodevilla

Liberalismo at Pangangatuwiran

Liberalismo at Pangangatuwiran: Galing sa Isang Lumang Proyekto Ko

27 Pebrero 2008

Kaalaman sa maayos na pangangatuwiran at kaalaman sa kakulangang likas sa pangangatuwiran, laging magkadikit.

Hatiin ang isang klase ng mga estudyante sa dalawang grupo. Kausapin ang isang grupo at sabihin na ang grupong ito ay ilalagay sa isang silid na ubod ng dilim. Sabihin rin na sa silid na ito, mayroong isang guhit ng ilaw ang makikita paglaon at, pagkatapos, lahat ay tatanunging kung ang guhit ng ilaw ay umakyat, bumaba, kumanan, o kumaliwa. Ang isa pang grupo ay huwag kausapin at pabayaan na lamang na pumasok sa silid na ubod nga ng dilim. Matapos ang pagpapakita ng guhit ng ilaw sa silid, lahat ay palabasin at tanungin kung saan bang dikeksyon napunta ang guhit ng ilaw.

Niels Bohr. From G. G. Bain Collection, restored by Bammesk

Sa ganitong eksperimento, ang malamang na nangyayari ay ang pagsagot ng marami mula sa grupong kinausap na kung saan-saan napupunta ang guhit ng ilaw. Sa kabilang panig naman, ang isa pang malamang na nangyayari ay ang pagsagot ng marami mula naman sa grupong hindi nakausap na wala namang gaanong napansin kung umaakyat, bumababa, kumakanan o kumakaliwa ang guhit ng ilaw. Sa huli, mapapansin na bagaman at pareho lamang ng namamataang guhit ng ilaw ang dalawang grupo, magkaiba naman ang mga nakikita ng mga ito.

Sa mga marurunong na mga akademiko, karaniwan na alam na ang mga dahilan sa pagkakaibang nakikita ng dalawang grupong mga ito. Una, ang lahat ng pagmamasid ay laging nangyayari sa konteksto ng karanasan ng nagmamasid. Ikalawa, ang walang nasa isip ng sinuman ang maaaring tukuyin ng kahiwalay, o walang kinalaman, sa iba pang mga nasa isip niya; samakatuwid, ang lahat ng mga karanasan ng sinuman ay laging nagsasama-sama sa isang kabuuan.

Ganito rin, ang anumang katuwiran ay hindi maaaring tukuyin na hiwalay sa isang konteksto ng karanasan ng nangangatuwiran.


Ang pangangatuwiran ay maroong tatlong antas ng pagtanggap; una rito ay ang pagtanggap sa isang katuwiran batay sa kaayusan nito.

"Ang lahat ng mga mimsy ay mga borrogrove. Ang lahat ng mga borrogrove ay mga nug. Samakatuwid, ang lahat ng mga borrogrove ay mga nug."

Ang katuwirang ito ay isang maayos na katuwiran; kung ang dalawang batayan ay tutoo, dahil sa kaayusan nito, hindi maiiwasang ang inaabtan ay tutoo rin. Ganoon pa man, walang kabuluhan at lalong walang tuwirang gamit ang katuwirang ito bagaman at maayos; hindi maikakaila na walang nakakaalam kung ano-ano ang mga mimsy, mga borrogrove o mga nug.

Ikalawa rito ay ang pagtanggap sa isang katuwiran batay sa kaayusan at, kasama na, batay rin sa nilalaman nito -- patunay batay sa karanasan, obserbsiyon.

"Ang lahat ng tao ay may kamatayan. Si Sokrates ay isang tao. Samakatuwid, si Sokrates ay may kamatayan."

Mapapansin na ang katuwirang ito ay hindi lamang maayos (Kung tutoo ang dalawang batayan, batay sa kaayusan nito, hindi maiiwasang tutoo rin ang inaabtan) kundi maayos nga at malaman din. Batay sa karanasan, ika nga , sinuman ang tukuyin, pihadong siya ay may kamatayan. Kung mamataan na si Sokrates nga ay tao, hindi nga maiiwasan na siya nga ay matutuklasang may kamatayan din.

Ikatlo ay ang pagtanggap sa isang katuwiran batay sa kaayusan, batay sa nilalaman, at, kasama na rin, batay sa konteksto nito.

Kung babalikan ang nilikhang kaisipang pisikal ni Albert Einstein nang 1906, maalalang ang kaniyang kaisipang pisikal bagaman at kilala na noon pa ay hindi rin ganoong kinikilala para siya ay bigyan ng Nobel Prize. Ang dahilan nito ay ang kawalan ng patunay batay sa karanasan – walang empirikal o eksperimental na patunay – ang kaniyang likhang kaisipan. Tunay na maayos kung gagamitan ng pamantayang matematikal o lohikal ang mga isinasaad ni Einstein sa kaniyang kaisipan noon nga. Ganoon pa man, hindi sapat ang pagiging maayos batay sa mga pamantayang matematikal o lohikal.

Nang 1920 lamang siya binigyan ng Nobel Prize kung kailan lamang kinilalang tunay na maayos at may sapat na mga patunay batay sa karanasan ang likhang kaisipan ni Einstein.

Nang 1921, si Niels Bohr naman ang binigyan ng Nobel Prize. Gaya ni Einstein, kinikilalang maayos at malaman na rin ang kaniyang likhang kaisipang pisikal ng taong ito.

Ganoon pa man, mapapansin na, ayon kay Einstein mismo, isang pag-aaksaya lamang ng panahon ang pagtatangkang maunawaan ang mga isinasaad ni Bohr sa kaniya mismong likhang kaisipan. Maaaring maging palaisipan ang ganitong hindi pagkakasundo ni Einstein at Bohr kung hindi mapupuna na kakaiba ang kontekstong katanggap-tanggap para kay Bohr na hindi naman katanggap-tanggap para kay Einstein.


Sa madaling sabi, maaaring maayos at malaman ang isang katuwiran, ganoon pa man, hindi ibig sabihin ng ganitong kalagayan ay buong-buong katanggap-tanggap na ang katuwirang ito. Kailangang tumugma rin ito sa kontekstong nakalatag sa kaisipan, batay sa karanasan, ng nangangatuwiran.

Sakaling may dalawang indibidwal na hindi magkatugma ang mga karanasan, hindi malayong mangyari na ang maayos at malamang katuwiran na katanggap-tanggap para sa isang panig ay maging hindi naman katanggap-tanggap para sa kabila namang panig.

Para sa walang kaalaman sa kakulangan na likas sa pangangatuwiran, ang siunumang walang pag-asang mapasang-ayon sa punto sa isang usapin ay malamang mangmang o, maaari pa nga, ay isang diyablo.


Samakatuwid, ang ganitong matigas ang ulo na hindi mapasang-ayon ay mabuti pang huwag bigayan ng anumang pansin. Sakali namang ang tinutukoy na ganitong hindi mapasang-ayon ay ang publiko na mas nakararami, tama lamang na gamitan ito ng kamay na bakal.

Sakaling may bukod tanging bagong karanasang nadaranasan, maaaring mangyari na ang dating hindi pinaniniwalaan ay magiging kapanipaniwala na sa pagbabago ng konteksto. Maaari nga na ang dating paggamit ng kamay na bakal na hinding-hindi katanggap-tanggap ay maging katanggaptanggap na.

Sa sinumang walang kahusayan sa pangangatuwiran at walang kaalaman sa kakulangang likas sa pangangatuwiran, ang paggamit ng kamay na bakal ay inaasahan na sa tuwing mabibigayan ng pagkakataon. Ito ay lalo na kung lubos naman ang personal na paikinabang sa paggamit nito nang mga namamahala.


Malamang pa nga, para sa mga ganito ang kalagayan ng pag-iisip, ang paggamit ng kamay na bakal ay kabayanihang bihira ang nakakaunawa. Para sa kanila, ang ganitong kabayanihan ay hindi inaasahan sa mga matitigas ang ulo na mga mangmang, o mga diyablo na napakahirap pasang-ayunin nga.

"Kung mangmang ang tinutukoy, o diyablo pa nga, hindi mauunawaan ang pangangailangang gumamit ng kamay na bakal. Hindi nga nauunawaan ang pangangailangang gumamit ng kamay na bakal ng tinutukoy. Samakatuwid, mangmang, o diyablo pa nga, ang tinutukoy. "


Nakakabahala talaga ang kakulangan sa kaalaman sa kalikasan at kakulangan ng kakayanan nating mangatuwiran.


"Kung may malalang AIDS ka, tiyak lalagnatin ka. Nilalagnat ka nga. Samakatuwid, may malalang AIDS ka nga."


Bigayan ngayon nang pansin itong naisulat ko noong 2010, naipaalala nang 2018 -- ngayong 2021 inuulit.


"... tatayo o babagsak ang pagpapalakad ni Pres. Noynoy ayon sa kakayanan nitong sumagot sa hamon ng mga naniniwala (sa istilo na pamamalakad na) “strong government.” Sakaling hindi makayang mahusay na maipagtanggol ngayon ang demokrasiyang liberal ng mga naniniwala rito, kagaya ng Partido Liberal, hindi malayong babalik at babalik na naman ang lahat ng mga kaganapan tungo sa mga kalagayang punong-puno ng mga pang-aabuso ng mga naniniwalang sila ay mga sugo ng Diyos."


"Kung ako ay sugo ng Diyos, ako ay pagpapalain. Pinagpapala nga ako. Samakatuwid, ako ay sugo ng Diyos nga."


Nakakabahala.



51 views0 comments

Recent Posts

See All

Commentaires

Noté 0 étoile sur 5.
Pas encore de note

Ajouter une note
Post: Blog2_Post
bottom of page