11 Hulyo 1985
Minamahal kong Beth:
Tuluyan na akong aalis. Sasama ako kay Clark. Isa nga sa mga namatay ang kaibigan mong si Monette. Ang mga ito ang pira-pirasong mga naisulat ko na para sa isang maikling kwento.
Gawaan mo sana ng paraang makaabot ito kay Caroline.
Salamat. Hindi kita malilimutan. Sana sumama ka sa amin balang araw. Gumagalang,
BADONG
Mga Sagutan ng Grapiti sa Palma Hall Annex
"The right of a capitalist is based on the assertion that one man has a greater right to life than another." "The present system endorses robbery, slavery, and murder." "Oppression." "Inequality is but natural (Plato, The Republic)." "I agree."
Mayo 1983
Nagkatabi si Badong at ang colonel; maaga-aga pa ay nakipagpalit na ang colonel ng upo sa katabi niyang isang opisyal din. Padating na sila sakay ng eroplano mula sa Davao na kung saan sila ay nag-seminar tungkol sa Filipino ideology. Si Badong ang liaison officer ng President's Center for Special Studies para sa Civil Relations Service ng militar.
Ilang buwan nang nakakaraan noon, tinugon ni Badong and isang panawagan para sa isang research assistant sa bulletin board ng Philosophy Department. Kinailangan niya ng pera -- naubos na ang galing sa pagkakabenta ng painting ng kilalang pintor na kaibigan niya -- nakatulong ito sa kaniyang pagma-Master's na inaasahan niyang matatapos din kahit paano. Patapos na ang semestre at paubos na ang kaniyang inutang sa kaniyang mga kasama sa Ipil Residence Hall. Nagkataon namang ang kaniya palang tinugon ay isang matagal nang panawagan mula sa Tanggapan ng Pangulo.
Papalapag na sila, ang sabi ng kapitan ng eroplano. Natanag ang kaniyang pansin ng mga nagkikislapang ilaw ng Maynila. Katatapos lamang nina Badong at ng colonel na mag-usap tungkol sa nagdaang seminar. Inalok siya ng colonel na makomisyon sa serbisiyo -- bilang opisyal sa kaniyang lupon, aniya. Pag- iisipan niya ito, ang sagot ni Badong.
Sa kaniyang pag-uwi sinabi ni Badong sa service driver na sa Fort Bonifacio na lamang
sila dumaan. Nagbabakasakali siyang makita si Caroline. Malapit ang bahay nina Caroline sa east gate. Naala-ala ni Badong ang kanilang pagkakasalubong ng heneral, tatay ni Caroline, noong umaga ring yaon.
"Sir, good morning, sir," ang sabi ni Badong. Patungo ang heneral sa rest room at si Badong naman ay kapapasok pa lamang ng conference room.
"Good morning," ang sagot ng heneral na mukhang nag-alanganin ng pakiramdam. Ganoon din ang nadama ni Badong. Hindi niya siguro babanggitin ito kay Caroline, ani Badong sa kaniyang sarili.
Nasa sala pa ang bunso niyang kapatid nang siya ay dumating. "May sulat sa 'yo. Nasa bulletin board mo," aniya na kasalukuyan noong nanonood ng tapes na galing sa isa pa niyang mas may edad na kapatid. Sumunod ang kapatid niyang ito sa kanyang asawa sa San Francisco; iniwan niya ang dalawang niyang anak -- hanggang makaraos lamang daw sila ng konti, aniya. Ang dalawa pa nina Badong ng kapatid ay kasama naman ng kanilang ama sa Ohio.
Anim silang lahat at si Badong ang panganay; ang isa pa niyang kapatid ay nasa Saudi Arabia at paminsan-minsan ay umuuwi dito sa Pilipinas. Malapit sa campus ang kanilang bagong apartment. May bago silang kasunduan: si Badong ang bahala sa buong kabahayan sa Quezon City, at ang kaniyang ina naman sa Batangas.
Sinilip niya ang natutulog niyang magkapatid na mga pamangkin sa silid ng mga ito. Pagkatapos ay pinanood ni Badong ang mga tapes na padala ng kapatid niya bago siya natulog.
This is Marco's cake. These are his gifts. Happy Birthday, Marco!
Nakikitira ang kaniyang kapatid kasama ang mga hipag niya. Paakyat tungo sa kaniyang silid, naala-ala niya ang huling postcard na padala sa kaniya ng kapatid niyang ito: "I think I can see the light at the end of the tunnel," ang sabi noon -- sa loob ay may isang guhit ng isang paparating na treng may maliwanag na ilaw.
Sa kaniyang silid, nasa bulletin board niya pa rin ang card kung saan niya ito idinikit. Mayroong isang sulat pang nakadikit din doon; sa dating kaklase niya nanggaling ang sulat. Pasado ala-una na nang siya ay makatulog.
BROTHER. Your're a GOOD EGG. . . a little cracked maybe but a GOOD EGG! HAPPY BIRTHDAY! Lito and Marie. Dear Kuya, Please look after Lissy and Marco. Maybe it's not a good idea to send for them yet. . . Love, Lito and Marie. Sorry! No dollars yet. Dear Mama, Papa told me Mr. Murray will be hiring me as a driver for $600 starting tomorrow. I will be enrolled at the Junior Vocational School here at Medina. It will cost only $75. Emer. P.S. I'm sending a letter for Cherry. Please call Art and ask him to pick it up. Dear Badong, I picked this up at Cayman Islands two days ago. Diving is a tourist business here -- just like in the Philippines. Papa. Kuya and Kuya Rico, Here's the most musculine Easter card I could find. One with a little Hare on its chest. Happy Easter. Pasensya na kayo kung iisa ang card. Med'yo naubusan ako ng pera. Rish. Dearest Lissy and Marco, Happy Valentine's Day. Mahal na mahal ko kayo. Miss na miss ko na rin kayo pareho. Lissy, aalagaan mo ang kapatid mo. Huwag mong pababayaan. Pag-uwi ko riyan may mga pasalubong ako sa iyo. Gustong-gusto ninyo. Ipapasyal ko rin kayo. Tayong tatlo lang. Kahit saan n'yo gusto. Punta tayong McDonald's at Shoemart. Sasabihin mo sa Inay susulat sa akin. O s'ya magpapakabait kayo, ha! Papa. Dear Benny, Attached is a letter from FEBTCo which you will find self-explanatory. Hope you can do something to clear this. Best, Frank. We refer to your request for personal loan of P20,000. It has come to our attention that you are cosignor of Mr. Benedicto Capuno's loan currently lodged under our Legal Section's Item for Litigation. This loan has adversely affected the disposition of your request. We would therefore suggest that the above loan be fully settled first before we
could consider your loan application.
Nobyembre, 1982
Ang kakikilalang kaibigan niyang pintor ang nagbayad ng kanilang mga nainom. Maraming mga mesa at silya siyang nasabit-sabitan sa kanilang paglabas. Si Badong na ang nagmaneho ng kotse niya. Wala nang gasinong mga tao sa mga kalye. Nagtig-isang baso sila ng gatas na hinaluan ng whisky. Hindi pala sila nagkakaintindihan; iba ang tinutukoy ni Badong na painting. Ipinakita ng pintor ang iba pa niyang mga gawa. Kung ano ang hindi mo mabasa sa kalbo niyang ulo, mababasa mo sa kaniyang mga gawa, ani Badong sa kaniyang sarili.
Iniwan ni Badong ang pintor na nakabulagta sa sahig at nagsusuka sa carpet.
Sa likod ng taksi, pabiro ni Badong na inuulit-ulit ang pangalan ng pintor sa kaniyang sarili. Kung ang ibig sabihin ng Malate ay makahalubilo ang mga taong katulad niya, dapat lamang matandaan niya ang kanilang mga pangalan, dagdag ni Badong. Umambon ng konti at lumakas ang hangin. Ganoon pa man, makapal pa rin ang pakiramdam ng kaniyang balat. Naisip niyang tawagan si Caroline ngunit natawa na lamang siyang bigla sa kaniyang sarili.
Nakaungkot si Nini sa tabi ng gate nang si Badong ay dumating; nakalimutan niyang noon ding umagang yaon ay tinawagan niya ito mula sa terminal ng bus. Galing daw si Nini sa simbahan. Nauna roon ay galing daw siya sa Hobbit's na kung saan ay hinanap niya si Badong. Malapit doon, nakita raw niyang bukas ang simbahan. May mga naglalamay, aniya. Tumuloy raw siya sa loob at tumambay sa madilim na sulok. Hindi raw naman siya pinalabas dahil kilala na nga sila ng guwardiya.
Maingat silang umakyat sa matarik na hagdan tungo sa silid ni Badong. Nagkalat ang mga aklat sa kaniyang kama. Doon sila ay nahiga.
Alas siyete na ng umaga noon. Katatagay pa lamang ni Badong mula sa nangangalahating Tanqueray na iniwan ni Nini na siya namang maagang umalis. Nagkalat ang mga gamit-pamundok at maruruming damit ni Badong. May tawag sa telepono -- overseas call.
"Hello. Papa?"
"O, Badong!"
"Ho?"
"Kumusta ka na?"
"Mabuti ho."
"Tumawag ako sa bahay. Ang mama mo ang nakasagot. Kumusta na sila?"
"Hindi ko rin ho alam. Kadadating ko lang ho galing Matulid -- sa Sierra Madre. Ang alam ko ho si Marie nanganak na raw -- lalaki raw."
"Ha?"
"Dal'wang linggo na ho. Bago ho ako tumuloy sa Matulid. Hindi raw si Lito ang kamukha, si Emer daw!"
"Sasabihin mo sumulat sa akin, ha!"
"Sige ho."
"Aalis uli ako. Pupunta ako ng Dominican Republic, tapos El Salvador."
"Sasabihin ko ho."
"Padalhan n'yo ako ng litrato ng mga kapatid mo."
"Oho."
"Kumusta na ang negos'yo ng Mama mo?"
"Mabuti na ho ngayon. Pinautang yata ni Kuya Maning ang Mama. May bagong kontrata sila sa Smith-Bell."
"Pagnakausap mo, sabihin mo wala pa rin akong pera. Mero'ng konti pero kulang pa."
"Oho. Papa, p'wede hong i-order n'yo ako ng libro?"
"The Logic of Scientific Discovery ni Karl Popper. K-A-R-L P-O-P-P-E-R." Binasa ni Badong ang address ng publisher sa isang notang indinikit niya sa tabi ng telepono.
"Hintayin mo na lang ito. Mga isang b'wan siguro."
"Papa, ipa-publish ng U.P. ang isang isinulat ko."
"Mabuti 'yan. Makakatulong 'yan sa 'yo pagdating mo rito. Sige. Ikumusta mo na lang ako d'yan. Sige na."
"Sige ho."
"Sige na." Winter na kasi, ani Badong sa kaniyang sarili. Naala-ala ni Badong ang mga litratong padala sa kaniya noon ng kaniyang ama.
This is the trailer house. This is my bed. This is my closet. This is my television. This is the view from my window. This is the kitchen. This is my fridge. This is my backyard. This is the frontyard. This is where I park my car. This is the driveway. This is the road to town.
Naligo si Badong. Bago siya lumabas ng bahay, dumaan muna siya sa landlady niya. Isang guro sa International School ang landlady niya. Nag-iisa lamang siya maliban sa isang katulong na yaya raw niya mula pa raw noong kabataan pa niya.
Inalok ng landlady ng kape si Badong na hindi namang tumanggi. "Ang dami namang naghahanap sa 'yo," ang sabi ni Marcy. "May dalawa pang pumunta rito ng ilang ulit. Kasamahan mo raw sa Palawan."
"Si Kapitan?"
"Oo nga." "Chief? Walang kasama?" "Meron nga." "Mga dating kasama ko sa yate." "Nasa Yacht Club nga raw sila." "Wala na siguro 'yung mga 'yon doon."
Inabutan ni Marcy si Badong ng ilang mga sulat. Kinuwentuhan ng landlady si Badong tungkol sa dalawa niyang mga bagong libro ni Jorge Luis Borges. Baka gusto niyang hiramin ang mga ito, intinanong niya. Inalok ng landlady ng umagahan si Badong pero tinanggihan niya.
Tumuloy siya sa Berting's, isang restaurant sa kanto ng Bocobo at Malvar; dati nang tambay si Badong sa Berting's. Ang Berting's ay tambayan rin ng mga taksi driver. May lumang jukebox ito at mga sinaunang kahoy na ceiling fan. Kung minsan ay may mga reporter na galing aduana ang pumupunta roon, minsan mga bugaw at kanilang mga alipores. Matapos kumain si Badong, tinawagan niya ang pinsan niyang sa Forbes Park nakatira; nag- oopisina ang pinsan niyang ito sa stock exchange building. Wala pa rin siya sa opisina. Gustong malaman ni Badong kung mayroon siyang makukubra -- nang nakaraang buwan, nakapagbenta si Badong ng mga computer para sa kumpaniya ng kaniyang pinsang ito.
Kailangan nang magbayad ni Badong sa landlady niya. Kinakapos na naman siya. Ganoon pa man, sanay na siya, ani Badong sa kaniyang sarili.
Nainip si Badong maghintay sa sagot ng kaniyang pinsan at tumuloy siya sa U.P. Kinuha niya ang kaniyang true copy of grades sa College Secretary's office. Matagal na raw nakahanda ito, ang sabi kay Badong. Makukuha na niya ang kaniyang diploma sa Enero, dagdag nila.
Natuwa ang college secretary na makita si Badong. Hindi niya makalimutan si Badong dahil sa kaniyang isang semester na suspension at kabit-kabit na mga AWOL at mga LOA. Lampas nang apat na taon si Badong na wala sa unibersidad. Hindi na nga sana niya tatanggaping muli si Badong -- kahit na noong umalis si Badong nang walang paalam ay kulang lamang siyang mag-complete ng ilang mga aralin para makatapos. Ganoon pa man, ihiningi niya ng appointment si Badong sa University Special Readmissions Board -- ikakasal na raw kasi si Badong.
Palabas na si Badong sa opisina nang tinanong siya ng Secretary. "Kumusta na ang asawa mo?" ang tanong ng Secretary.
"Matagal na ho kamng hindi nagkikita. Hindi ho kami nagkatuluyan," ang sagot ni Badong.
"Sige. Sige na," ang sabi ng Secretary.
"Sige ho. Tuloy na ho ako."
Nag-Coke si Badong sa Green House. Sandali siyang nakaramdam ng kawalan ng magawa. Pinag-isipan niyang mag-apply sa College of Law. Utang na naman, ani Badong sa kaniyang sarili.
Sa kaniyang paglabas sa Green House, bumalik muli si Caroline sa kaniyang isipan. May ilang ulit lamang silang nagkatagpo sa campus. Hindi man lamang sila nagkausap. Nakakabalita lamang siya tungkol kay Caroline sa kani-kanilang mga barkada.
Binisita ni Badong si Beth. Si Beth ay isang instructor sa marine science. Dive buddies silang dalawa. Nagkakilala sila sa Aquastar na kung saan ay dati si Badong na divemaster -- ang Aquastar ang yateng kung saan ay nakasama ni Badong sina Kapitan at ang kaniyang Chief Mate.
"Ano'ng nangyari sa 'yo," tanong ni Beth.
"Wala naman."
"Walang hiya ka talaga. Saan ka ba nanggaling?"
"Sorry, ha. Tumawag si Totsie. Pupunta raw sila sa Matulid. Kailangan daw ang kasama. Sumunod na araw, umalis kami."
"Ano'ng balita?" "Napagkamalan kaming mga rebelde." "Lagi naman, eh! Kumain ka na ba? Halika. Libre kita." "Huwag na. Maaga pa." "Halika sabi bago kita mabatukan."
Nagtanghalian at nagkonting beer sina Badong at Beth sa Faculty Club. Mga alas-dos na nang sila ay maghiwalay. Kumuha si Badong ng application form para sa Master's Program sa Philosophy at tuloy siyang umuwi.
Sa kaniyang silid, inubos ni Badong ng Tangqueray ni Nini. Matagal si Badong nakatulog at hindi na siya nakapaghapunan. Bandang alas-diyes, dumating si Nini.
Naliligo si Badong; bukas ang pinto ng banyo. Si Nini naman ay nakaupo sa kama at nanonood ng balitang panggabi.
"Dumaan ka ba ng H.E.?" ang tanong ni Nini. Nagsindi siya ng sigarilyo. "Sumakay ako ng bus malapit doon," ang sagot ni Badong. "Nakita mo ba s'ya?" "Hindi."
Pumasok si Nini sa banyo. Inayos niya ang shower curtain.
"Labas tayo. Sagot ko," ang sabi ni Nini. Kinuha niya ang ash tray sa ibabaw ng toilet tank at ibinuhos ang laman nito sa inodoro; ifilush niya ito.
Tumuloy sila sa isang lumang restaurant ng Intsik. Pasado hating gabi, tumuloy sila sa Hobbit's.
Nagbilyar si Badong at si Sarsi sa clubroom sa taas; may ari si Sarsi ng isang bandang regular na tumutugtog sa Hobbit's. Nuwebe ang tinitira ni Sarsi noon. Kahuhulog pa lamang ni Badong ng tatlong mga bola. "Isang beer 'to ha!" ang sabi ni Sarsi.
"Tigi-tigisa tayo kasama si Nini," ang sagot ni Badong.
"Sige." Tumira si Sarsi at sumala.
"Nandito si Caroline kanina," aniya. Tumira si Badong at nahulog ang bola. "Bakit daw?" ang tanong niya.
"Ewan ko."
Nanalo si Badong. "Sige, sa baba lang muna kami," ang sabi niya. Nagpasalamat si Badong sa beer at tumuloy sila ni Nini sa bar sa baba.
Sa tabi ng bar sila naupo. Pinanood nila ang bandang noon ay tumutugtog. Napagkuwentuhan nina Badong at ng bartender ang kaibigan niyang pintor -- nalaman ni Badong na nagpakamatay siya noong hapon ding yaon.
Madaling araw na nang umuwi sina Badong. Sa pinto ng kaniyang silid, may nakadikit na isang sulat. Galing ito sa landlady niya at nagsabing tumanggap siya ng isang lubhang malaking package; nakalimutan niya ito at naala-ala lamang niya nang nakaalis na sila ni Nini -- inilagay ng landlady ang package sa silid ni Badong. Isang malaking painting ang laman ng package -- kasama ang isang sulat galing sa kaibigan niya. Ibinigay ni Cabrera ang painting kay Badong. Hinanap daw niya ang painting na ito noong umagang yaon. Kung mayroon daw kokontesta sa pag-aari ng painting, ang sulat daw ang patunay. Wala naman daw sigurong kokontesta kasi wala naman siyang kamag-anak, dagdag niya. Sinabi ng pintor na magpapakamatay siya.
"Mahal siguro 'yan," ang sabi ni Nini. Inilagay ni Badong ang painting na nakasandal sa lalagyan ng kaniyang mga libro.
"Hindi ko alam magkakilala pala kayo."
"Kamakalawa lang. Matulog na tayo."
Sa kama, walang suot si Nining nakatabi kay Badong; kapapatay pa lamang niya ng ilaw.
"Gusto mo ba talagang malimit kasama ako?" bulong ni Nini.
Hindi sumagot si Badong. Nakatulog na siya.
May mga ingay na mukhang galing sa mga kaldero at kawali ang umalingawngaw mula sa kalye. Mga magtitinda sa kalye, ani Nini sa kaniyang sarili. Tumayo siya at tumuloy sa banyo para umihi. Sa banyo, kinausap ni Nini ang kaniyang sarili. "Impierno," aniya sa kaniyang paglabas. Sumiksik siyang muli sa tabi ni Badong at natulog.
Septyembre, 1983
Alas-onse na ng umaga. Kasama si Badong ang executive director nila at kaniyang secretary. Sa driveway, nasalubong nila si Minister Rono na mukhang galing sa guesthouse. Pinaghintay sila at iba pang mga kasama nila sa waiting room. Tumuloy ang executive director at kaniyang secretary sa study room na kalapit doon. Nagpaali-aligid si Badong hanngang sa
Freedom Hall.
Napakahaba ng pagkakaantala ng meeting. Alas-kuwatro ng nang dumating ang First Lady; masama at parang ninenerbyos ang kaniyang ayos. Hindi pa raw siya kumakain buong araw. Galing daw siya sa University of Life na kung saan siya ay binigyan ng mga report tungkol sa trahedyang inabot ng rally noong umagang yaon sa Makati. Kasama ng First Lady si Metro Manila Vice-Governor Mel Mathay at Human Settlements Minister Jolly Benitez.
Hindi umabot sa isang oras ang Ideology Committee meeting. Ang lecture naman ng First Lady ay umabot sa mahigit na dalawang oras. Sa pagtatapos ng lahat, pinirmahan ni First Lady ang release ng P2.5M para sa mga gastos ng komite para sa mga huling araw ng taon. Sa kanilang paglabas ng palasyo, dalawang ulit na ipinatawag ng First Lady sina Badong; dalawang ulit na dagdagan ng First Lady ang kaniyang mga nasabi na sa grupo. Nang mukhang wala na talaga siyang masabi, niyaya niyang magpakuha ng litrato kasama ang lahat sa grupo sa harap ng kaniyang ginto at ivory'ng Santo Nino -- sa kamay nito, nakasabit ang isang maliit na krus na kwintas na bigay daw ni Ninoy ayon kay First Lady.
Enero, 1984
Hello again to a bohemian philosopher! I just arrived from Eastern Samar. Actually, I could have mailed this there but thought again -- baka ma-ambush on the way. A municipality here was attacked by some 200 armed NPAs; they killed the station commander, and ran off with the typewriters, mimeo machines, etc. Raiding time: five minutes. One wonders, is it because of poverty or something else. Who cares? . . . Chuck. P.S. How's our other friend Clark? For TBL, This concerns my work contract with our office which ended last Saturday. After serious consideration, I have reached a definite decision not to request for a renewal. I hope you will understand my decision. I have applied for a position as an instructor in the Philosophy Department of the University of the Philippines and I have been informed I have a very good chance of being accepted. I think this will best serve my priorities: I am now working on my Master's and, more importantly, I am also working on a novel. . . Badong Capuno.
Hunyo, 1984
For TBL, This concerns my new contract with your office as a consultant. I would like to inform you that I have been requested by Quezon Province Member of Parliament Cesar Bolanos (oppositionist) to help organize operations of his research staff; this request I would not wish to disappoint. May I request your consideration of this contract's status in view of this new development. Badong Capuno
Hunyo, 1985
Dear Monette,
Clark agrees to your request for an interview -- I have met them last night. Tita Emma is going to pick you up; she is a former nun. You can take pictures.
Badong
Hulyo, 1985
Magkikita sila ni Clark sa loob ng dalawang araw -- hindi, kulang-kulang na dalawang araw, ani Badong sa kaniyang sarili. Bukas na, dagdag niya.
Nakaparada ang kotse ni Badong sa ilalim ng ilaw ng isang poste. Nagdurugo ang kaniyang kanang kamay. Binasag niya ang salamin sa gilid ng kotse -- naiwan kasi niya ang susi sa loob. Iniwan siya ng pinick-up niyang babae sa kama matapos niyang buhusan ito ng beer -- akala niya hindi ito magagalit. Lasing na si Badong.
Ang Interview
Dalawang ulit nang ibinalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na patay na si Clark Esguerra, isa sa pinakamataas na mga pinuno ng New People's Army (NPA). Dalawang ulit na ring sinabi ni Gen. Fabian Ver na nagapi na ang mga rebelde sa Katimugang Luzon. Nang nakaraang linggo, lumitaw si Esguerra sa sitio Dau sa San Miguel, Lopez, Quezon na kung saan siya ay nakipagtagpo kay Monnete Carlos ng pahayagang ito. Si Esguerra, dating isang mag- aaral ng pilosopiya sa U.P., ang pumalit kay Manuel Exconde bilang commander ng buong lupon ng NPA sa Katimugang Luzon -- may tatlong taon na itong nakakalipas; si Exconde ay napatay ng isang assasin mula sa kaniya mismong mga tauhan.
CARLOS: Isang taon na ang nakakalipas nang una kang mabalitang patay. Bakit ngayon ka lamang lumitaw?
ESGUERRA: Mapapansin mo na ang interbyung ito ay kaalinsabay ng mga sunod-sunod na pahayag ni Presidente Marcos na malubhang nagagapi na raw ang mga rebelde rito sa Katimugang Luzon. Isa ito sa mga dahilan.
T: May mga balitang nagbabago na raw kayo ng mga pamamaraan ng pagsalakay sa mga instalasyong militar. Hindi na raw kayo bumababa ng maramihan. Puro tipong guerilla raids na lamang daw ang inyong mga ginagawa. Tutoo ba ito?
S: Oo. Mukhang mas-angkop ito sa aming mga simulain. Hindi ito dahil sa kami ay nagagapi na. Hindi namin hangad ang sumakop ng teritoryo ngayon. Ang aming hangad lamang ay mapangalagaan ang aming mga kasamang lumilibot sa mga kabukiran natin upang tumulong sa ating bayan.
T: Dalawang buwan na ang nakakalipas, napatay si Col. Clodualdo Cuadra hindi malayo rito. Mayroon ba kayong kinalaman dito?
S: Oo. Kumagat siya sa pain ko. Ni-raid nila ang akala nila ay punong training center namin. Pinasok nila ang aming mga underground tunnels doon. Marami silang nakuha sa aming mga gamit, kasama na ang isang patibong. Pauwi sila sakay ng helicopter, sumabog ito.
T: Yaon namang insidente sa isang yateng pangturistang mga diver sa Lucena City, mayroon din ba kayong kinalaman dito? Marami daw na mga sibilyan ang dito ay namatay.
S: Sa anim na namatay, ang apat ay Amerikanong marines na nagbabakasyon daw dito. Alam namin 'yon. Akala ba nila basta lamang sila makakapakialam dito nang walang peligro? Sinabi na naming paulit-ulit, sinumang kasangkot sa digmaang ito ay isang NPA target.
T: Ano ang palagay mo sa balak ng maraming Mambabatas Pambansa nating gawing legal daw ang mga partidong komunista?
S: Hindi namin sineseryoso. Kung mayroon mang makabuluhang dapat mangyari tungo sa kapayapaan, ito ay ang pagpapatigil sa mga pakikialam ng mga Amerikano. Hindi nila alam ang kanilang mga pinagsasasabi.
T: Ipinamamalita ng mga awtoridad na "well under control and bound to fail" daw ang inyong mga agaw-armas na mga operasyon sa Maynila. Mayron ka bang masasabi rito?
S: Si Brig. Gen. Narciso Cabrera na mismo ang nagsabing marami-rami na ring mga pulis ang napapatay dahil sa urban guerilla operatives. Alam mo ito. Ikaw na ang magsabi kung tutoo ang kanilang ipinamamalita. Kare-reactivate pa lamang namin ng aming Armed City Partisans. Ito ang aming urban strike force na puro mga batang propesyonal. Ang plano namin ay dalhin ang digmaan doon mismo hanggang sa mga bahay ng ating mga namumuno.
22 Agosto 1985
Minamahal Kong Badong:
Nakaalis na si Caroline tungong States. Hindi ko na naibigay ang manuscripts mo. Sorry. Susubukan kong makuha ang kaniyang address sa kaniyang mga kaibigan sa sorority.
Bakit mo pa ipapabasa sa kaniya ang mga ito? Nagseselos tuloy ako -- biro lang. I- publish mo na lang kasi. Alagaan mo sanang mabuti ang iyong sarili.
Beth.
Comments