top of page
Search
agericodevilla

Paggamay sa Kapalaran

Updated: Jul 8, 2021

Pag-alala sa La Liga Filipina, itinatag nang 3 Hulyo 1892.


16 Pebrero 2008, galing ito sa isang project ko kung saan.

Ang EDSA Shrine, ang matitinding pananalig sa mga lider relihiyoso, ang pagtaya sa lotto o jueteng, o ang pagboto sa mga pulitikong maraming kakulangan sa kaalaman ay mga patunay ng paniniwala ng maraming mga Pilipino -- paniwalang ang radikal na pagbabago sa buhay ng sinuman ay itinatadhana ng Diyos. Samakatuwid, mga milagro itong mga ganito na wala sa kamay ng pangkaraniwang indibidwal. Mga milagro at mga tagadulot ng milagro ang hanap-hanap ng mga Pilipino. Ang paniwala, gaya nang sa mga madlang sinauna, ay wala sa kanilang mga kamay ang kakayanang magtadhana ng mga pangyayari sa kani-kanilang mga buhay.

Salamat kina Jose Rizal, Emilio Jacinto, Apolinario Mabini at marami pang mga bayani nang nakaraan, mayroon na ring hindi na ganito ang paniwala na mga Pilipino. Mayroon na ring bukas na ang isipan sa paniwalang mayroong kakayanan ang sinuman na magtadhana ng mga pangyayari sa kaniyang buhay; may paniwala rin sila na ang kakayanang magtadhanang ganito ay batay sa kanilang kakayanang pangangatuwiran.

Bukas, kung darating ito, ang pagsikat ng araw ay sa silangan mangyayari; hindi na kinakailangang tanungin pa ang Diyos kung tutoo nga ito. Sa rami ng mga nagdaang mga araw na naranasan na, alam nang kung sumisikat ang araw, ito ay sa silangan nangyayari. Batay sa pangangatuwirang ganito, marami ang nakapagpaplano, nakapagtatakda, ng kanilang mga buhay. Ganito rin ang nagagawang pagpaplanong may kinalaman, halimabawa, sa banta ng global warming, economic recession, o pandemic ng avian flu.

Hindi simpleng bagay ang paglimot sa kakayanang magtadhana ng mga pangyayari sa buhay ng sinuman. Ang dulot ay pananalig, halimbawa, sa mga nagpapanggap na mga sugo ng diyos. Ganoon na lamang ang paghahanap ng mga katangiang nagpapatunay na ang mga napipisil na mamuno ay iyong tunay na mga sugo ng Diyos. Dapat sila ay hindi pangkaraniwan ang pamumuhay – malalaki ang mga bahay, magaganda ang mga asawa, nagkalat ang mga kasangkapang hindi pangkaraniwan, o malalapad ang mga lupain. Kung nagkataong ang tinutukoy ay walang espada kundi gulok lamang, walang karwahe kundi kabayong pangkaretela lamang, hindi terno ang suot kundi salawal at kamisetang pangbukid lamang, mababa ang antas ng kabuhayan ng pamilayang pinanggalingan, tiyak na hindi siya mananalo ng mga boto para mamuno ng anumang importanteng samahan gaya ng Katipunan.

Malimit ay sala ang ating paniniwala sa mga ganitong namumunong akala ng marami ay mga sugo nga ng Diyos. Kung ang sinuman ay sugo ng Diyos, siya ay pagpapalain. maaaring maraming patunay na pinagpapala nga ang tinutukoy – malaki ang kaniyang bahay, maganda ang kaniyang asawa, nagkalat ang kaniyang mga ksangkapang hindi pangkaraniwan at malapad ang kaniyang mga lupain. Samakatuwid, ang tinutukoy ay sugo nga ng Diyos.

Kung paniniwalaan ang ganitong kaisipan, dapat din lamang na paniwalaan ang sumusunod na pangangatuwiran na may katumbas na kaayusan. "Kung may full-blown AIDS ang sinuman, siya ay lalagnatin. Ang tinutukoy nga ay may lagnat. Samakatuwid, siya nga ay may full-blown AIDS."

Pangangatuwiran ang pinagbabatayan ng katarungan na siya naman, halimbawa, na pinagbabatayan ng mga prinsipiyo ng Katipunan. Klaro ito maging kina Emilio Jacinto at Apolinario Mabini. Ang ang pag-unawa sa mga prinsipiyong batayan ng Kartilya ni Emilio Jacinto at ng Dekalogo ni Apolinario Mabini ay patunay ng pananalig sa maayos na pangangatuwiran. Malalim ang pinanggagalingan ng iteres nina Jose Rizal, Emilio Jacinto at Apolinario Mabini, halimbawa, sa mga talakaying pangangatuwiran at katarungan, sa isang panig, at demokrasaya at pilosopiya, sa kabilang panig.


Maaalala na nang si Jose Rizal ay nasa Espana, ipinagpilitan niya na mag-aral ng pilosopiya dagdag sa kaniyang pag-aaral ng medisina; ito ay sa kabila ng kaniyang matinding pangangailangan ng pangtustos sa kaniyang pag-aaral.

Madaling maunawaan kung bakit ganoon na lamang ang interes ni Jose Rizal sa mga talakaying pangangatuwiran at katarungan, sa isang panig, at demokrasiya at pilosopiya, sa kabilang panig. Ang henerasyong nauna sa kaniyang henerasyon, iyong kina Padre Mariano Burgos, Padre Jose Gomez at Padre Jacinto Zamora, ay ang henerasyong nakasaksi sa kaisipan ng mga mga intelihente at mabubuting mga opisyal Espanyol na ipinadala sa Pilipinas nang panahon na may malawakang pagbabago ng kaisipan sa Europa – iyong Enlightenment na kumalat sa Europa kasama ang Espana ng Ika-18 Siglo. Mahirap isipin na maiiwasan ni Jose Rizal sa Espana ang pagtatankang maunawaan ang pinanggagalingan ng pagbabagong ito sa Europa. Dahil nga siguro sa interes niya sa pagbabagong ito at, sa kalaunan, sa demokrasiya at pilosopiya, napag-alaman niya ang maraming mga bagay tungkol sa karanasan ng mga Griyegong Sinauna; hindi na nakapagtataka na ang paliwanag sa pagtatatag ng La Liga Filipina ay hawig na hawig sa paliwanag sa pagtatatag ng liga ng mga estadong Griyegong Sinauna, dating mga estadong magkakagiyera laban sa isa’t-isa na kalaunan ay nagsama-sama rin laban sa mga Persiyano – ang “kataas- taasang kagalang-galangang katipunan” ng mga Griyego.

Bago pa naimbento ang demokrasiya at pilosopiya, ang kaisipan ng mga Griyegong Sinauna ay walang pagkakaiba sa kaisipan ng lahat pang ibang mga estadong sibilisado; ayon sa kanila, wala sa kanilang mga kamay ang kakayanang magtadhana ng mga pangyayari sa kani-kanilang mga buhay. Sa halip, ang ganitong kakayanan, ayon sa kanila, ay nasa kamay ng mga diyos o mga diwata lamang. Ganito rin ang paniwala noon sa iba- ibang sulok ng mundo.

Mabuti na lamang at nagbago nga ang takbo ng Sibilisasiyong Griyego na siya namang pinag-ugatan ng Sibilisasiyong Kanluranin. Mabuti na lamang at umabot sa Sibilisasiyong Pilipino ang hilig sa demokrasiya at pamimilosopiya na mga dulot na rin ng pagbabagong takbong ito.


Photograph by Joe Galvez. Colorisation by Prince Javier.


31 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments

Rated 0 out of 5 stars.
No ratings yet

Add a rating
Post: Blog2_Post
bottom of page