Ano mang sistema, pinakamapapagkatiwalaan ito kapag ito ay walang bahid ng kontradiksiyon hanggang sa maaari. Samakatuwid, ganito nga kapag tuwirang maayos ang pagkakaugnay-ugnay nang mga prinsip’yong nakapaloob sa sistemang ito — coherent, ika nga.
Mahaba na ang usapan tungkol sa coherence sa blog na ito. Isa na nga ito, https://www.pinoytoolbox.org/post/coherence. Walang masama kung basahin ito ngayon din.
Sa pagtataya nang mga darating na mga pangyayari sa hinaharap, mas coherent ang sistemang gamit, mas kapanipaniwala ang pagtataya. Samakatuwid, mas walang kontradiksiyon, mas mapapagkatiwalaan.
Ano mang pagtataya, ang gamit ay pangangatuwiran. Ganito nga, gamit isang katuwiran o sama-samang mga katuwiran.
Kanina, ang araw ay sumikat sa Silangan. Kahapon ang araw ay sumikat sa Silangan. Kamakalawa ang araw ay sumikat sa Silangan. And dami-dami pang mga araw na ang araw ay sumikat sa Silangan. Batay sa karanasan, masasabing ang araw kapag sumisikat, ito ay sa Silangan. Samakatuwid, kung sisikat at araw bukas, ito sa sa Silangan magaganap.
Sakaling maayos ang pangangatuwiran, pawang katotohanan ang nilalaman, at gamit sa tamang konteksto, mapapagkatiwalaan ito, kapanipaniwala ito.
Pagsukat sa pagiging maayos, gamit sa panahon ngayon ay matematika. Ito nga ang mathematical logic, malimit binabanggit sa blog na ito.
Kung si Yao Ming ay pandak, ako na si Darth Vader. Kung si Imelda ay mapagkumbaba, ako na ang pinakang-guwapo sa balat ng lupa. Mula sa isang kontradiksiyon, maaaring maabutan ang kahit ano — madaling patunayan gamit ang mathematical logic.
Puno at dulo, hindi nararapat na may mga kontradiksiyon sa isang mental model hanggang sa kinakaya. Mas may kontradiksiyon, mas hindi kagamit-gamit sa pagtataya nang mga maaari o di maaaring mangyari sa hinaharap. Sa ganito, mas walang kakayanang panghawakan ninuman ang kaniyang kinabukasan.
Isa sa mga posibilidad na nagaganap sa mga mental model ay ang pagkakaroon ng isang panuntunan para sa iba at isa pang panuntunan naman para sa sarili na siyang kakontra nito ngang panuntunan para sa iba.
Halimbawa, pagtatakda nang alituntuning nagsasabi na lahat nang mga nasa serbisiyo publiko ay naglalahad lagi nang kanilang mga Statement of Assets and Liabilities and Net Worth. Pagkatapos, sabay dito, ipagkakait naman ang sariling mismong pagsasaad nang ganito nga. Lalabas na may panuntunan para sa iba at may panuntunan para sa sarili na siya ngang nasa serbisiyo publiko rin.
Bakit ganito? Hindi maipapaliwanag. Ang sasabihin ay Diyos lamang ang nakakaalam. Pag-iisip ito na laganap sa mga ang tingin ay mga sugo sila ng Diyos.
Papaano naman nangyayari na ganito ang paniwala na sila ay mga sugo nga ng Diyos? Baluktot na pangangatuwiran ang pinag-uugatan.
Kung ako ay sugo ng Diyos, ako ay pagpapalain.
Pinagpapala nga ako. (Patunay, halimbawa, na nanalo sa eleksiyon.)
Samakatuwid, sugo nga ako ng Diyos.
Bigot ang tawag sa mga ganiyan na ang paniwala ay walang masama na may panuntunan para sa iba at may panuntunan namang kakaiba para sa sarili. Bigotry ang tawag sa ganiyang pag-iisip. Indikasiyon ng kawalan nang coherence, kawalan ng maayos na paguugnay-ugnay ng mga nakapaloob sa mental model.
Walang kaayusan kung hindi kayang ipakita ang pag-uugnay-ugnay nang mga alitintuning tinutukoy. Hindi magiging kapanipaniwala para sa mga may nakakaunawa nang maayos na pangangatuwiran.
HIndi nakakapagtaka kung laganap ang bigotry sa mga corrupt na mga opisiyal ng gobiyerno. Hindi rin nakakapagtaka kung laganap rin ito sa mga kriminal.
Dagdag pa, hindi rin nakakapagtaka na ang mga madaling mapapaniwala sa mga pulitikong mga bigot ay siya ring mga madaling mapapaniwala sa mga conspiracy theories, financial scam, at mga pyramid scam. Baluktot na mga katuwiran lamang ang mga pinag-uugatan.
Kung tunay na mahusay ang pulitiko, mananalo siya.
Nanalo nga siya.
Samakatuwid, tunay na mahusay ang pulitiko.
Kung may conspiracy, may mamatay nga sa mga gumagamit ng vaccine na iyan.
May mga namamatay nga sa mga gumagamit ng vaccine na iyan.
Samakatuwid, may conspiracy nga.
Kung tunay na maayos ang kaniyang financial scheme, yayaman nga siya.
Mayaman nga siya — patunay ang kaniyang mga alahas, magarang kotse, at kakayanang gumastos sa mamahaling kainan.
Samakatuwid, mahusay ang kaniyang financial scheme.
Kung tunay na maayos at legal ang kaniyang direct selling scheme, yayaman nga siya.
Mayaman nga siya — patunay ang kaniyang mga alahas, magarang kotse, at kakayanang gumastos sa mamahaling kainan.
Samakatuwid, maayos at legal ang kaniyang direct selling scheme.
Parang ganito lamang nga.
Kung may malalang AIDS, lalagnatin.
Nilalagnat nga.
Samakatuwid, may malalang AIDS nga.
Ganito rin sa mga mahilig sa red-tagging.
Kung makakaliwa ka, rally ka nang rally.
Rally ka nga nang rally.
Samakatuwid, makakaliwa ka nga.
Ganito rin sa mga makakaliwa nga.
Kung inaapi ka, maghihirap ka.
Naghihirap ka nga.
Samakatuwid, inaapi ka nga.
Parang ganito lamang nga.
Kung may malalang AIDS, lalagnatin.
Nilalagnat nga.
Samakatuwid, may malalang AIDS nga.
Ang kaayusan ng kaisipan, kaayusan ng mental model, ay nakikita sa pag-dudugtong-dugtong ng mga katuwiran sa loob nang mga mental model, nang mga pangungusap sa loob ng mga katuwiran, nang mga konsepto sa loob nang mga pangungusap na mga ito. Sa tuwi nang naghahaluan ng mga kontradiksiyon ang ang pagdudugtong-dugtong na ganito, ang inaabutan ay kung saan-saan na walang kasiguraduhan. Dagdag pa, sa tuwi nang may baluktot na pangangatuwiran ang nahahalo sa pagdudugtong-dugtong na ganito, dumarami ang mga kontradiksiyong inaabutan.
Sa huli, dapat lamang nating isaisip, ang coherence ay kailangan sa ating mga mental model. Dapat lamang iwaksi natin ang pagkakaroon ng mga kontradiksiyon — mga balintuna o kabalintunaan, ika nga. Dapat lamang iwaksi ang mga baluktot na mga pangangatuwiran na siyang nagpapakalat ng mga kontradiksiyon nga na mga ito sa ating mga mental model.
Maayos na pangangatuwiran ang batayan nang maayos na pilosopiyang politikal. Maging si Emilio Jacinto mismo, ganito ang noon pa man ay ipinapahayag. Sana ay hindi natin makalimutan.
Comments