Ito ang ilang piling mga pangkukutiya na natatanggap ko nitong mga nakakaraang araw. Dahil lamang ang mga ito sa aking mga paliwanag hinggil sa pangangailangan natin ng maayos na pilosopiyang politikal.
“Ano naman yan wala sira na kayo doon na kayo sa planeta mars”
“hahahaha maski un kakampink na A en B na gradweyt ng areneo hindi pag aaksayahan ng panahon yan un pa kaya tinatarget na C D E? Pilosopong pulpol ni pilosopo tasyo. Punta na lng tayo ke Tata Lino enjoy k na wala pa stress”
“Taena logic ng pang dedeebs yan eh....anong pinagsasabi mo? Lol!”
“Pilosopiyang makapili, TRAYDOR at makatae🤮🤮🤮🤮🤮🤮”
“Smart-shaming” ang tawag sa mga ganitong pangkukutiya.
May mga pattern na madaling makita sa mga mahilig sa ganitong pangkukutiya. Hindi talaga nila binabasa ang aking mga pagpapaliwanag.
Sa mga nakakabasa naman, hindi kabuuan ang nababasa; malimit pa nga ay may mga walong segundo lamang ang nagugugol sa kanilang pagbabasa — kita ito sa data ng aking blog.
Malayo sa usapang tinutukoy ko ang kanilang mga sinasabi; minsan pa nga ay kabaliktaran ang nakukuhang mensahe.
Halos lahat nang mga mahilig sa pangungutiya nang ganito, malimit, ay walang pakialam sa gramatika nang kanilang kanilang mga sagot.
Kung sasabayan nang pangangatuwiran ang kanilang mga sinsabi at, sa huli, ay maipapakita ang mga kontradiksiyon sa kanilang mga sinasabi, may predictable pattern ang mga sagot. “Basta kay ganito pa rin ako.,” o “Ganiyan talaga kayong mga dilawan (o pinklawan).,” mga halimbawa.
Panay na panay ang name-calling nang mga mahilig nga sa ganitong mga pangungutiya.
Sa huli, malamang na ang ugat nang ganitong pag-uugali ay ang kahirapan sa pagbabasa. Dagdag pa, dahil hirap nga na magbasa, kulang na kulang sa mga impormasiyong kailangan para sa maayos na kaugalian para sa isang cosmopolitan.
Dahil nga sa hirap magbasa, ang pinagkukunan nang impormasiyon ay iyong mga naririnig sa radiyo at telebisiyon, at saka sa mga video shorts ng Facebook, Instagram, Twitter, Tik Tok o Youtube. Ganito rin sa mga vlog.
Iwas sila lagi sa mga libro at mga artikulo nang mga malalaking news agencies. Lalo pa kung Ingles. Iwas din sa mga blog kagaya nang sa akin nga.
Mukhang lahat ay gagawain para makaiwas sa pagbabasa. Nood na lamang ng video shorts nga. Iwas debate. Kaya magne-name-calling na lamang o gagamit nang mga pangkaraniwang sinasabi nga nang mga sikat sa mga radiyo at telebisiyon, mga video shorts nga, at mga vlog.
Ang mga mahilig sa ganiyang pangungutiya ay kagaya rin natin. May mga utak — mga utak na punong-puno ng may isang daang bilyong mga neuron. Mas marami pa sa lahat nang mga bituin sa ating galaxy — bawat isa pa nga sa mga neuron na ito ay may isang libo hanggang sa tatlumpong libong mga koneksiyon sa ibang mga neurons. Samakatuwid, lahat sila, kagaya natin, ay may kani-kaniyang mga sariling supercomputer. Mga supercomputer na ilang ulit na mas malakas ang kakayanan kaysa sa pinakamahusay na supercomputer kahit saan ngayon.
Ang kanilang kahinaan ay hindi natin maaaring isisi sa kanilang katauhan. Hindi sila kakaiba sa atin.
Sa tantiya ko ay ganito. Ang mga mahihilig sa ganiyang pangungutiya ay mga zombie. Nagiging mga zombie sila dahil nakakasagap sila nang ubod tinding mga virus. Parang mga virus ng AIDS at COVID-19. (Mga paliwanag ko noon pa. https://www.pinoytoolbox.org/post/conspiracy-theorists-and-rules-of-inference-as-memes-blog-ko-from-elsewhere; https://www.pinoytoolbox.org/post/pilosopiyang-politikal-ng-isang-pinklawan-part-6-communication-in-its-broadest-sense)
Ang nararapat nating gawain, samakatuwid, ay kalabanin ang mga virus na itong siyang mga sanhi nang kanilang pagiging mga zombie. Hindi silang mga zombie ang ating kalaban.
Ang ganitong kalagayan nila ay may katapat na panggagamot. Iyan ang susunod nating istoriya. Pasensiya lamang muna tayo.
Comments