Kung si Yao Ming ay pandak, ako na si Darth Vader. Kung si Imelda ay mapagkumbaba, ako na ang pinakangg’wapo sa balat ng lupa. Mula sa isang kontradiksiyon, kahit ano ay maaaring ab’tan.
Ito ang patunay, gamit ang Mathematical Logic. Di naman kailangang lubos-lubusang maunawaan, kailangan lamang makita kahit papaano — kung di kayang bigayang pansin itong proof na sumusunod, walang masamang lakdawan na lamang.
1. P ∧ ~P
Ipagpalagay na na tutoo ang itong kontradiksiyon na ito.
2. P
Kung tutoo ang 1, dapat tutoo rin ang 2. Rule used: Simplification.
3. P v Q,
Where Q is any
statement whatsoever
Kung tutoo ang 2, dapat tutoo rin ang 3. Rule used: Logical Addition.
4. ~P ∧ P
Kung tutoo ang 3, dapat tutoo rin ang 4. Rule used: Commutation.
5. ~P
Kung tutoo ang 4, dapat tutoo rin ang 5. Rule used: Simplification.
6. Q
Kung tutoo ang 3 at 5, dapat tutoo itong 6. Rule used: Disjunctive Syllogism
Samakatuwid, mula sa kontradiksiyong P ∧ ~P, maaaring ab’tan ang Q na siyang "any statement whatsoever."
Mula sa isang magulong mental model na siyang puno ng mga kontradiksiyon, kahit ano ay maaaring ab’tan. Kung tutoo iyan nga, maaari nating sabihin ang mga sumusunod.
Mula sa isang magulong mental model, maaaring ab’tan ang mga alituntuning pagpapakabayani; hindi nakakapagtaka na siyang may magulong mental model, paminsan-minsan ay gumagalaw na mistulang bayani.
Ganito rin, mula rin nga sa isang magulong mental model, maaring ab’tan ang mga alituntuning pagpapakabutangero; hindi nakakapagtaka na siyang may magulong mental model, paminsan-minsan ay gumgalaw na mistulang butangero.
Kapag siyang may magulong mental model ay gumgalaw na mistulang butangero na at karaka ay nag-iisip na pagpapakabayani ang kaniyang ginagawa, problema.
Kapag may ganito ngang gumagalaw na mistulang butangero at nag-iisip na ang ginagawa niya ay pagpapakabayani, pagkatapos ay siya namang kikilalanin nang karamihan na misteriyoso, “enigmatic” ika nga, lalong malaking problema.
Alam namang nagpapakabayani ang isa nga sa ilang pagkakataon. Pero heto nga at mukhang butangero naman ang asal ngayon. Ang justification, mukha lamang naman talaga siyang butangero. Pero, sa tutoo lamang, bayani naman talaga siya. Nakita na nga kasi ang pagpapakabayani niya. Baka ang pagmumukhang butangero ay isa lamang sa kaniyang pagbibiro. Maaari rin namang brilliant strategy lamang niya ito. Puno at dulo, bayani naman talaga siya.
Alam na natin. Ang mga malimit na napapaniwala ng mga tiwaling mga politiko, malimit nabibiktima ng mga budol-budol gang at mga pyramiding scam, at malimit napapaniwala sa mga conspiracy theory, siya rin ngang mga may kahinaan sa pag-unawa ng maayos na pangangat’wiran. Napag-usapan na nga rito sa blog na ito.
Enigmatic ang dating ng maraming mga despot at mga tyrant nga. Ang ugat na kadahilanan nito, ang kawalan natin ng pag-unawa sa maayos na pangangatuwiran.
Dapat lamang sana ay isinasama ang usaping maayos na pangangatuwiran sa mga aralin sa mga paaralan. Dapat isama bilang regular na subject. Sa kasamaang palad, maging sa buong University of the Philippines System (UP System), kulang ang pagbibigay pansin sa ganito. Ang UP Diliman lamang nga ang siyang may requirement nang pag-aaral ng mathematical logic sa buong UP System, halimbawa. Wala sa ibang mga campus -- lalong wala sa ibang mga university.
Dapat lamang na mabago ang ganitong kalagayan sa bahaging ito ng education system natin. Nang sa ganoon, hindi na tayo nalulusutan nang mga despot at tyrant na paulit-ulit na lamang.
Sa may gustong lumaban sa mga despot at mga tyrant, simulan ang laban sa pag-aaral nang maayos na pangangatuwiran. Mas mahusay kung Mathematical Logic magsisimula. Maliit na sakripisiyo kung tutuusin. Walang kailangang mamatay o pumatay. Makatuwiran na pamamaraan nang pagbabago.
Comments